May nag text sa akin ng "Kamusta".
Sa isip ko sabi ko "akala ko patay ka na?"
Text ulit s'ya ng "kita tayo sa Sabado?"
"Hindi muna siguro", ako ulit sa isip ko.
Wala akong load. Kahit siguro meron wala pa rin akong masasabi. Wala akong reply at wala na akong natanggap na mensahe ulit. Sinukuan na n'ya ako. Sumuko na rin ako. Wala na'ng maraming text at matagal na usapan. Pinalitan na 'yon ng mahahabang pag-iisip at malalalim na buntong-hininga.
Wala akong isusuot sa Sabado. Wala akong pambayad sa sine at pagkain. Wala akong oras sa dami ng gawain. Wala akong salamin. Wala na akong ikukwento sa'yo. Hindi mo na nga ata ako kilala. Wala na ang isip ko. Nawala ka gawa ko. Wala na rin yata ako.
Mag-iisip lang ako sandali. Bubuntong-hininga ng kaunti. Aalisin ko lang ang amoy mo sa balat ko pati ang boses mo sa ulo ko. Buburahin ko lang ang mukha mo sa isip ko twing nasasaktan ko. Tatanggalin ko lang ang udyok ng utak kong hawakan ka o yakapin o tingnan t'wing magkikita.
Magkikita ulit tayo. Ihahanda ko lang ang sarili ko. Papraktisin muna ang mga linya.
Hindi muna sa Sabado. Maglo-load na rin ako.
Saglit lang 'to.
____________________________________________________________________
*anumang pagkakahawig sa tunay na buhay ay hindi sinasadya at pawang kathang-isip lang.
*flickr photo by mr. ed
SA LINGGO
Labels: drama portion
MAY MAI-POST LANG
Minsan ang bolpen hindi maturuan.
Kahit hawakan mo ito sa leeg
at ingudngod sa papel,
kahit may tinta'y hindi ka susulatan.
Kaya't sisisihin mo ang 'yong utak
na maraming ala-alang preso-
sabay-sabay, magugulo, maiingay-
pero pag hinugot mo sila isa-isa't
tinanong kung anong gusto
ang isasagot sayo'y papel na blangko.
______________________________________________________________________
*fickr photo from mark78_xp's photostream
Labels: wala l ang
WHATEVER SAGOT
10. Totoong kasali ako sa Dance Troupe noong highschool. Mananayaw ako ng aming klase at kasama ako sa grupong nag grandslam sa dance contest na ginaganap tuwing pebrero. At totoong hindi na ako sumasayaw ngayon, itinago ko na.
9. Totoong torpe ako at hindi marunong manligaw. Ang mga taong na-link ako hanggang ngayon ay hindi ko alam kung paano nangyari. Ewan ko nga ba ano nakain ng mga yun. Next!
8. Totoong kaya kong hindi magsalita ng mahabang panahon kaya hindi nakakapagtakang totoo ang #9. Minsan paggising ko sa umaga hanggang pagdating ko sa bahay kinagabihan pagkatapos pumasok sa eskwela hindi pa rin ako umiimik sa bahay. May drama pang naganap sa amin ng nanay ko at one to one tinatanong ako kung ano daw nangyayari sa akin at di man lang ako umiimik. Sagot ko: "ano namang sasabihin ko?". Di na ulit s'ya nagtanong.
7. Totoong ganoon kaigsi ang itinagal namin. Mahirap kalaban si Bro kaya naman hinayaan ko na lang. Ganon ata talaga. Sinubukan ko naman kausapin siya pero inulan lang ako sa kahihintay sa kanya nung bertdey ko pinag-ipunan ko pa naman. Nakakasalubong ko pa s'ya noon sa school at para namang hindi talaga si Bro ang dahilan. Iba ang kasama nya.
6. Totoong isa pa lang ang nabibigyan ko ng mga bulaklak. Naisip kong dalawin s'ya at apadaan ako sa Designer Blooms sa mall noon at binilhan ko s'ya. Tagal na kami di nagkikita noon at isa yun sa mga pangako ko sa kanya. Magkaibigan lang talaga kami. Ngayon may asawa na s'ya at isang anak.
5. Totoo din ito. Minsan higit pa dito ang nasasabi ko at nagkakatotoo. Natatakot din ako minsan kaya di na lang ako nagsasalita kapag ganon.
4. Paborito ko talaga ang avocado. Sila nilalagyan pa nila ng gatas at kung anu-ano, ako asukal lang solb na. Pwedeng papakin o palaman sa tinapay. Ayus. Iilan lang ata ang may gusto nito dahil mukha nga daw pupu ng bata pero ako? Lalantakan ko pa rin yan.
3. Totoong napasali ako sa pageant at yun nga ang nangyari. Di naman binawi sa akin ang award. Di rin ako nagalit o sumama ang loob. Di naman talaga ako deserving. At ayoko talagang sumasali sa mga ganito, pag naaalala ko kinikilabutan ako (*krus).
2. Oo, napatawag ang nanay ko dahil mababa ang nakuha kong grado sa Math noon at kailangan ko daw magpatutor. Dagdag gastos. Peste. Pero required. Di ko talaga gusto ang math siguro dahil nakakapurga na ito. Ngayon matataas na ang grade ko dito at madali na para sa akin hanapin ang X sa napakahabang equation. Calculus? Wala yan! (*yabang?)
1. Ito ang hindi totoo at wala man lang nagbanggit sa mga humula. Ito lang ang hindi pinaghinalaan Hindi talaga ako Dume-declaim noong elementary hanggang ngayon at hanggang mamatay ako. Ayaw na ayaw kong umarte sa stage kahit bayaran ako. At ang pagmememorya ay hindi ko din gusto. Iniisip ko pa lang na haharap ako sa maraming tao at aarteng parang baliw o adik o pagong o naaapi o kahit anu pa at magbibitaw ng mga sinaulong linya, nasusuka na ako sa kaba. Ngayon tumutula na lang ako sa papel at umaarte na lang pag gustong umiskor.
At ang nakahula? Wala.
Sabi sa akin sa True or False Exam, ang #1 laging True ang sagot. Rule daw ito sa paggawa ng ganitong type ng exam. Kailangan ang una mong sabihin ay totoo. Pa'no nga naman maniniwalang may True pa sa sasabihin mo kung sa una pa lang nagsinungaling ka na. Pero dahil stupidient ako nagsinungaling muna ako. At ganito nga ang resulta. Ni walang nagbanggit sa #1.
Salamat sa mga manghuhula ko, pasens'ya na at walang nakahula sa inyo. At least may nalaman kayo kahit papaano tungkol sa akin. Atin-atin lang yan ha.
____________________________________________________________________
*ginagawa pa ang consolation prize
Labels: tag
WHATEVER TEN
S'yempre lagi akong late kaya naman late ang isang 'to. Galing kay PAPS ng KABLOGSTUGAN, mag-iisip daw ako ng sampung kahit anong bagay tungkol sa akin - siyam and totoo at isa ang hindi. Ang siste ay huhulaan n'yo kung alin ang kabulastugan dito at ang makakahula? Iisipin ko pa ang prize. Basta subukan n'yo na lang muna. Eto na:
1. Sa declamation ako nalinya noong elementary. Medyo (medyo lang) madali ako makamemorya ng mga piyesa kaya naman ako ay laging present sa mga pakulo ng mga teacher ko noon. (ahem! O Captain, my Captain!... parang ganyan).
2. Noong highschool pinatawag ang nanay ko para sabihin na bobo sa Math ang anak niya (ako yun). Hindi ko daw na-meet ang dapat na grade para sa subject kaya pinayuhan siyang ipa-tutor ako para malamnan ng advanced knowledge ang utak ko tungkol sa mga linya at lahat ng mga X at Y na may kinalaman dito.
3. Napasali ako sa isang version ng G. at Bb. Linggo ng Wika noon (wala na talagang pagpipilian at ako'y napilitan). Hindi ako nanalo. Best in Formal Wear lang ang nakuha ko at nalaman kong mali lang pala ang natawag na numero ng host kaya may award ako. Ayus lang. Nasa akin naman ang trophy at sash. Yey!
4. Mahilig ako sa prutas pero ang paborito ko talaga ay Avocado. Hinahalo ko lang ito sa asukal na pula (pwede ding puti) hanggang maging parang poopoo ng bata at ako'y maligaya nang mag-aalmusal o magmemeryenda habang umuulan.
5. Nahuhulaan ko ng medyo accurate kung magkakatuluyan, maghihiwalay o maglolokohan ang mga kaibigan ko at ang mga taong involved sa kanila. Di ko alam kung may sa demonyo ako o may dilang anghel. Hindi ko naman alam kung bakit hindi ko ito nagagawa sa sarili ko.
6. Isang tao pa lang sa ngayon ang nabibigyan ko ng mga bulaklak at hindi kami romantically inclined. Hindi. Magkaibigan lang. Hindi din bespren. Hindi. Magkaibigang magkaibigan lang.
7. Ang pinakamaigsi kong relationship ay tumagal lang ng sampung araw. Kailangan daw niyang mag-isip-isip muna sa presensiya ni Bro at naisip nyang nagkamali sya sa desisyon nya. Sinabi nya ito sa akin isang araw bago ang birthday ko. (salamat sa regalo!)
8. Kaya kong palipasin ang araw o linggo na hindi iniimikan ang magulang, kapatid o kahit na sinong ma-tripan. Hindi naman talaga ako pala-imik at kaya kong dalhin ang talent na ito to the extreme.
9. Hindi ako marunong manligaw. Mahiyain lang talaga ako. At torpe katulad ng isa pang tao dito sa blogosperyo. (peace!)
10. Kasali ako sa Dance Troupe noon pero sa taas kong siguro ay nasa 5'9" o 5'10" (12 ang sapatos ko Paps!) tingin ko para lang akong kawayang humahapay hapay sa hangin. Hindi na lang ako nakakasayaw ngayon at ibinilang ko na sa mga hidden talents ko ito. Isa pa nadagdagan ako ng extra pounds kaya hindi na ako makahataw naks!.
Isa lang talaga d'yan ang hindi totoo. Isiping mabuti, isipin kung alin. Isipin kung alin ang naiba.
Timer starts....
NOW!
____________________________________________________________________
*ikaw. oo ikaw bawal kang sumali dito. pagbigyan mo muna manghula yung iba ha?
Labels: tag
MAHABANG BIYAHE
Sabado. Isang kaibigan ang dinalaw ko sa daang Felix Manalo. Kagagaling ko pa lang sa trabaho pero kailangang tumupad sa nabitiwang pangako. Sulit naman sa pagod ang pupuntahan ko.
Kwentuhan. Kain. Tawanan. Kornihan. Nung magsawa nagpaalam muna ako sa kanyang nanay bago sumibat. Kumpleto na ang linggo ko. Palubog na ang araw nung umalis ako at sa paglalakad saka ko naramdaman ang sakit sa ulo at katawan na idinulot ng maghapong iyon.
Dahil mas malapit, sa may plaza ako dumaan. Pumasok na rin ako sa loob ng simbahan hindi para magdasal kundi para isintas at punasan na rin ang sapatos kong putikan. Dahil nga sa pagod nakataas pa ang paang nagrerelax ako sa upuan. Nawiwili sa pagpapahinga at panonood sa dalawang taong may ka-sweet-an doon sa unahan. Tatlong rosas ang dala ng babae sa kanyang kaliwang kamay at hawak naman ng lalaki ang kanan.
Nagpaka-gentleman ang lalaki na inalalayan ang babae maupo walong upuan ang layo mula sa aking kinalalagyan. Kahit sa loob ng simbahan parang safe na safe at gwardiyado si babae. (mabuti naman!) Ilang saglit pa sabay silang lumuhod at nagdasal. Natawa ako sa naisip ko. Parang ikakasal. Kung may nakatingin sa akin siguro iisipin may topak ako dahil mag-isa akong pangiti-ngiti sa dapat sana'y lugar dasalan.
Madilim na pala. Hindi ko na napansin dahil sa mga kabaduyang iyon. Inunahan ko na silang umexit sa simbahan at saka nakapamulsang naglakad patungo sa sakayan. 'Yon at nakaumis pa rin. Natatawa sa mga eksenang ganon. Nagtatanong na rin kung ano nga ba yang bagay na yang hinahamak ang lahat masunod lamang at nakapagpapaluhod ng dalawang tao sa simbahan.
Matagal mapuno ang sasakyan. Malalim ang iniisip ko. Hindi ko napansin ang pagsakay ng mga tao sa jeep na 'yon. Pagtunghay ko naroon sa aking harapan ang dalawang magkasuyo sa simbahan - ang bagong kasal. Hawak ng babae ang mga puting rosas sa kaliwang kamay at hawak pa rin ng lalaki ang kanan. Kay sweet naman.
Sabi ko dati sa babaeng may rosas sa harap ko "kung pari ako, ako na lang ang magkakasal sa'yo. para makaharap ko ang lalaking gago na makakabilog ng ulo mo." Matagal na rin yun. May pagkabaduy. At di ko din naman alam na magiging ganito kalayo ang damdamin ko sa simbahan. Matagal na nga. At ngayon kaharap ko na ang gago. Natawa ako. Matagal mang hindi nagkita, hindi ako nakakalimot. Alam ko gano'n din s'ya dahil nauna s'yang bumati. Maganda pa rin. Walang pinagbago.
Tumatakbo na ang sasakyan kasabay ang konting kumustahan at awkward na usapan. The soul never forgets sabi ni Jaime Licauco. Kung wala syang katabing groom sigurado hindi ganoon ang reunion namin. Mas maraming pag-uusapan. Mas mahaba ang kamustahan. Mas makakatingin ako sa kanya. At s'ya, sa akin. Pero ayus lang. Ang magkaibigan kahit walang imikan nagkakaintindihan. Kami pa kayang halos noo'y magkapatid ang turingan. Sayang nga lang may nangyari at nagkahiwalay.
"Na-miss kita ah" na lang ang nasabi ko. At ang katulad ko'y namimiss din naman pala kahit papaano.
Malapit na ang Sico. Alam n'ya bababa na ako.
"Ba-bye.." sabi n'ya. Ako naman "Sige...ingat ka..." sabay tingin sa katabi n'ya. Matatapos na ang reunion namin ilang saglit pa. Nagpasalamat at malapit lang ang amin at makakababa na rin. Matagal bago maulit ito. Malamang hindi na nga. Palitan ng tingin. Walang imik. Siya. Ako. At ang groom sa tabi nya. Sa huli natigilan ako sa sinabi n'ya.
"...KUYA, botfriend ko."
Tinanguan ko na lang si groom. Napangiti na lang akong nakatungo. Akala ko nagkalimutan na. Kapatid pa rin pala ako sa kan'ya.
"Geh bunso, una na'ko (panlokong ngiti)."
Napangiti din s'ya at 'yon ang hinihintay ko. Alam na n'ya 'yon. Nagpaalam na rin ako sa groom niyang kunot ang noong nakatingin sa aming dalawa. Natawa na lang ako. Sumutsot at tumuktok sa kisame ng jeep. Sa wakas nasa amin na ako..
"Para ho!!!"
*wag na kasing dadaan ulit sa simbahan. kaya umuulan.
*photo by keija
Labels: kwentong jeep
MUHON

"...please remember that four months can extend to a lifetime. There are many probabilities - water comes back to shore, not necessarily the same water, not necessarily the same shore - belonging to one same set. The earth is still one big mass of land and has one big body of liquid."
Mabilis ang apat na buwan. Kailan naman kaya ang habang-buhay? Kailan kaya ito sisimulan? Paano ba natin susukatin ang lifetime kung pare-pareho pa tayong buhay? Paano natin yun mararanasan kung hindi natin alam na ito'y iyon na?
Pero kung kasama dito ang mga araw na ito at lahat ng kahapong kasama s'ya, salamat sa pagpapaalala. Namatay na yata ako nang paulit-ulit. Ganoon din siguro s'ya. Hindi ko alam. Nabuhay ulit ako mag-aapat na taon na at kung nasaan man ang dulo nito, sana wala akong bagong tao doong muling kasama. Hindi din sana ako bagong tao doong kasama s'ya.
Paglipas na ng ating habambuhay ako mangangako.
____________________________________________________________________
*mukhang hindi ito ang iniisip n'yo





